Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal
Salaysay ng buhay ni Dr. José Rizal, mula sa kanyang pagkasilang sa Calambâ, Laguna, noong ika-19 ng Junio 1861, hanggang sa kanyang kamatayan. Sinusundan ng aklat ang pinagmulan ng kanyang pamilyang Mercado-Rizal, ang kanyang maagang pagkamulat sa pagbasa't pagtulâ, at ang pag-aaral niya sa Ateneo Municipal sa ilalim ng mga paring Heswita. Inilalahad din nito kung paano humubog sa batang isip ni Rizal ang mga kalupitan ng panahon—ang pagbitay kina Gomez, Burgos at Zamora—at ang patuloy na pang-aapi ng mga prayle sa mga Pilipinong matatalino at mapagmahal sa katwiran ng bayang sinilangan.
Mariing tinatalakay ng akda ang katarungan, dangal, at pagkapantay-pantay ng mga lahi, lalo na ang maagang pagtatanong ni Rizal kung totoo ngang nakahihigit ang mga puti sa mga indio. Mahalaga ang aklat sapagkat itinatala nito sa wikang Tagalog ang buhay ng pambansang bayani para sa sariling mga kababayan, pinananatili ang alaala ng kanyang sakripisyo, at nagsisilbing aral hinggil sa pagmamahal sa bayan at paghahanap ng katotohanan.
How it begins
Ipinang̃anac si Gat Jose Protasio Rizal Mercado , sa báyan ng̃ Calambâ, sacóp ng̃ lalawigang Laguna, ng̃ ikalabing siyam ng̃ Junio ng̃ taóng sanglibo walóng dáan animnapo't isá. Si G. Francisco Rizal Mercado ang canyáng amá at si G. Teodora Alonso at Quintos ang canyáng iná. Ipinang̃anac si G. Francisco Rizal Mercado at Alejandra ng̃ taóng 1811, sa Binyáng, Laguna, at namatáy sa Maynila ng̃ ica 5 ng̃ Enero ng̃ 1898, at si G. Teodora Alonso ay ipinang̃anac sa Meisic, sacóp ng̃ Tundó, Maynila, ng̃ taóng 1825 at nabubuhay hanga ng̃ayón (8 ng̃ Junio ng̃ 1909). Si G. Francisco Mercado ay nag-aral at marunong ng̃ wicang castila at wicang latín, at si G. Teodora Alonso ay nag-aral sa colegio ng̃ Santa Rosa at marunong ng̃ wicang castila. Ang naguíng mg̃a anác ng̃ mag-asawang ito'y si na guinoong Saturnina, Paciano, Narcisa, Olimpia, Lucía, María, Concepción, Jose, Josefa, Trinidad at Soledad. Bininyagan si Jose Rizal ng̃ araw ng̃ sábado, icadalawampo't dalawa ng̃ Junio ng̃ 1861. Si G. Rufino Collantes, páring clérigo at cura-párroco sa bayang Calambâ ang sa canyá'y nagbinyag, at si G. Pedro Casañas, páring clérigo at tubô sa Calambâ, ang sa canyá'y nag-anác sa binyág. Capowa namatáy na ang dalawang páring itó.
Text from Project Gutenberg, public domain.