Isa Pang Bayani
Isa ang "Isa Pang Bayani" ni Juan Lauro Arsciwals na maikling kasaysayang naglalarawan sa madilim na panig ng kilusang paggawa sa Pilipinas noong panahon ng Amerikano. Sinusundan nito ang isang welga o aklasan sa isang limbagan, kung saan nagtatagisan ang mga uri ng manggagawa: si Pablo na napadadala sa matatamis na pangako ng Puhunan, si Gervasio na puno ng sigla ng aklasan ngunit nadaig ng kawalang-pag-asa, at si Mauro na matalino at mahinahong alagad ng Bagong Panahon, na sa kabila ng katwiran ay napariwara sa loob ng bilangguan. Nagtatapos ang aklasan sa kaguluhan, dugo, at pagpatay ng manggagawa sa kapwa manggagawa.
Tinatalakay ng aklat ang pagkakaisa, kahinaan ng loob, panlilinlang ng kapital, at ang pananagutan ng mga lider sa kapakanan ng anak-pawis. Mahalaga ito bilang paggunita sa mapait na kahapon ng manggagawang Pilipino at panawagan tungo sa tunay na Katubusan—isang aral na patuloy na umaalingawngaw sa pakikibaka para sa katarungang panlipunan.
How it begins
Samantalang ang pagmamahal sa sariling kapakanan at kagalingan ng mga manggagawa sa Pilipinas ay hindi isinasailalim ng kapakanan at kagalingan ng marami, ang kabusabusan ay di mawawala at ang liwayway ng Kalubusan ay ni mamamanaag. Juan L. Arsciwals. Parang mga Pangunahing Talata Puhunang walang puso at mapanginis; manggagawang napaghaharian ng biglaang simbuyo ng loob at napasusuko ng munting siphayo; aklasang sa tabi-tabi lamang pinagkakaisahan at hindi bunga ng isang pagliliming mahinahon; isang Pablong napakakasangkapan sa Puhunan, sa bísa ng masasarap na pangako at isang Gervasiong puno ng aklasan nguni't alagad ng kahinaang loob at ng kawalang-pagasa; isang Maurong masugid na alagad ng Bagong Panahon nguni't mahinahong gayon na lamang, at kahinahunang hindi nagtapos sa mabuti kundi sa loob ng bilangguan; saka aklasang sa gulo natapos at namatay sa kusang pagpatay ng manggagawa rin ... iyan ang sa aklat na ito ng kaibigang Arsciwals ay boong liwanag na naglalarawan. May palagay akong, maliban sa ilang pangyayaring katha, ang lahatlahat na ay ulat lamang ng isang pangyayaring tunay na nasaksihan ng may akda. Kung kaya, maliban na lamang sa ilang kulay na naiiba, ang lahatlahat na ay siyang tunay na kulay ng mga pangyayaring malimit masaksihan natin sa pagaaklasan dito. Walang pinagibhan ni munti. Kilusan at mga tao ay iyan na walang inibhan.
Text from Project Gutenberg, public domain.