Hiwaga ng Pagibig
Sa "Hiwaga ng Pagibig" ni Balbino B. Nanong, masusundan ang masuyong pagibig nina Eduardo, isang mabait at matimtimang binata, at ng dalagang si Leonora o "Leoning." Sa ilalim ng isang punong mangga, isang gabing pinasaksihan ng buwan at mga bituin, inihayag ni Eduardo ang dalisay niyang pagsinta bago siya tumungo ng Maynila upang magaral. Matapos ang ilang sandali ng pagaalinlangan, ipinagtapat din ni Leoning ang tunay niyang damdamin. Ngunit ang matamis na pangakong ito ay haharap sa mapapait na pagsubok ng paghihiwalay, pagaalinlangan, at sa hiwaga ng tadhanang humuhubog sa kapalaran ng dalawang puso.
Inilalarawan ng aklat ang kabigatan ng tunay na pagibig—ang katapatan, sakripisyo, at ang lungkot na dulot ng pananabik at pangungulila. Higit pa rito, ito ay isang handog sa Inang Wika, sinulat sa panahong marami ang nagtatakwil sa sariling wika. Mahalaga ito bilang patotoo sa pagibig sa Tagalog at sa pagpapahalaga sa panitikang Pilipino.
How it begins
Ang sino mang may nais magkaroon ng sipi ng aklat na ito maaaring makipagusap o makipagalam kay Gg. P. C. Palines, katiwala ng may katha. Tel. 8601, 1030 Azcarraga, Maynila. Gayon din, ipinagbibili sa mga libreria. SA MADLA: Ang aklat na ito, sakaling sa pagkatunghay ninyo sa mga dahon, ay di kakitaan ng mga matatamis na pangungusap, ng matatayog na pagkukuro ng kaisipan, at gayon din, sakaling di maging masarap sa inyong panglasa ang nalalaman dito, ay hinihiling ko ang paumanhin ng madla sa abang kathang ito; pagka't ako ay hindi isang tanyag na manunulat at mangangatha. Sinulat ko ang aklat na ito, sa maalab na nasang makapaglingkod ang abang kaliitan sa bayang may sariling wika, nguni't alanganing lagi ang katatayuan—maraming nagtatakwil sa Inang Wika .... Sinulat ko rin ito, sa maalab na nasang mailarawan ang tinawid ng dalawang magkasintahan nguni't kapag nagkaminsan ang matamis na pagiibigan ay nagkakaroon ng mapait na wakas para sa dalawang puso . Ngayon, ay ipinababatid ko sa madla, na, sakaling maraming mali sa pagkakasulat nito, marahil, sanhi na lamang ng kabataan ng aking panitik—hindi pantas na mangangatha. Kaya aking inuulit, na, sa pagbasa ng aklat na ito at hindi kapulhan ng bagay sa inyong panglasa, ay hingi ko ang paumanhin sa lahat, dala ng hindi ko pa kabihasnan.
Text from Project Gutenberg, public domain.